Inilabas ng Malacañang ang opisyal na talaan ng mga holiday para sa taong 2026. Nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Proclamation No. 727 noong Oktubre 30, na nagtatakda ng mga regular holiday, special non-working days, at special working day sa buong bansa para sa susunod na taon.
Ayon sa proklamasyon, kabilang sa regular holidays ang Bagong Taon, Araw ng Kagitingan, Semana Santa, Araw ng Paggawa, Araw ng Kalayaan, Araw ng mga Bayani, Araw ni Bonifacio, Pasko, at Araw ni Rizal.
Samantala, ilan sa mga special non-working days ay ang Araw ni Ninoy Aquino, Araw ng mga Santo, Pista ng Immaculate Conception, at huling araw ng taon.
May karagdagang special non-working days din gaya ng Chinese New Year, Black Saturday, bisperas ng Pasko, at bisperas ng Araw ng mga Santo.
Nilinaw ng Malacañang na hiwalay pang ilalabas ang mga petsa para sa Eidul Fitr at Eidul Adha, na ibabatay sa Islamic calendar.
Ang National Commission on Muslim Filipinos ang magrerekomenda ng eksaktong petsa para sa mga naturang pagdiriwang.
Inatasan naman ang Department of Labor and Employment (DOLE) na maglabas ng patnubay sa implementasyon ng holiday pay.
Bukod dito, idineklara rin ang Hulyo 27 bilang special non-working day nationwide para sa anibersaryo ng Iglesia ni Cristo (INC), bilang pagkilala sa kahalagahan ng selebrasyon sa kanilang komunidad.

Comments
Post a Comment