Inakyat sa Korte Suprema nina Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima at Caloocan Rep. Edgar Erice ang umano’y labag sa Konstitusyon na unprogrammed appropriations (UA) sa 2026 national budget, na anila’y nagbubukas ng pinto sa paggastos ng pondo ng bayan nang walang malinaw na pinagkukunan at pahintulot ng taumbayan.
Ayon sa petisyon, nilalabag ng UA ang ilang probisyon ng 1987 Konstitusyon, kabilang ang rekisitong ang badyet ay dapat may tiyak na pinanggagalingang pondo at ang pagbabawal sa lump sum at riders sa General Appropriations Act. Iginiit ni De Lima na pinapahina ng UA ang kapangyarihan ng Kongreso sa pag-apruba ng gastusin at lumilikha ng tinatawag na “badyet sa loob ng badyet.”
Binanggit ni Erice na bagama’t binawasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang UA sa pamamagitan ng pag-veto sa halos ₱92.5 bilyon, nananatili pa rin ang ₱150.9 bilyon sa 2026 badyet. Aniya, may mahahalagang proyektong inalis sa regular na badyet at inilipat sa UA, na nagdudulot ng pagkaantala at panganib ng hindi maayos na implementasyon.
Ipinagtanggol naman ni House Appropriations Vice Chairperson Zia Alonto Adiong ang UA, iginiit na ito ay hindi pork barrel dahil may tiyak na layunin at maaari lamang gamitin kapag may sobrang kita ang pamahalaan. Dagdag niya, mahalaga ang UA upang agad na makatugon sa mga emerhensiya nang hindi na dumaraan sa mahabang proseso ng supplemental budget.
Humihiling ang mga petisyoner sa Korte Suprema na ipatigil ang pagpapatupad ng UA habang dinidinig ang kaso, giit na ang tunay na isyu ay hindi bilis ng paggastos kundi pananagutan at pagsunod sa Konstitusyon, sa panahong bawat piso ng pondo ng bayan ay kailangang malinaw kung saan napupunta at kanino pananagutan.

Comments
Post a Comment