KORTE SUPREMA PINAGTIBAY: Impeachment laban kay VP Sara Duterte, labag sa Konstitusyon


Pinagtibay ng Korte Suprema ang nauna nitong desisyon na idineklarang labag sa Konstitusyon ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, at iginiit na hindi nagkaroon ng hurisdiksyon ang Senado upang dinggin ang impeachment proceedings. Ang desisyon ay inilabas ng Korte Suprema en banc noong Enero 28 at pinal na tinanggihan ang motion for reconsideration na inihain ng House of Representatives.

Ayon kay Supreme Court spokesperson Camille Ting, nagkakaisa ang lahat ng mahistrado na lumahok sa naunang ruling sa pagbasura sa mosyon ng Kamara. Kinumpirma ng Korte na ang ikaapat na impeachment complaint na ipinadala sa Senado noong Pebrero 5, 2025 ay ipinagbabawal na ng Konstitusyon, alinsunod sa Article XI, Section 3, subsection (5), na nagbabawal sa higit sa isang impeachment proceeding laban sa iisang opisyal sa loob ng isang taon.

Nilinaw rin ng Korte Suprema ang kahulugan ng “session days” sa proseso ng impeachment. Ayon sa desisyon, ang session day ay anumang calendar day na may sesyon ang House of Representatives, at hindi lamang legislative session days. Dahil dito, itinuring ng Korte na nagsimula na ang impeachment proceedings sa mga naunang reklamo laban kay Duterte kahit hindi pa ito umabot sa plenaryo.

Binigyang-diin ni Ting na wala nang tatanggapin pang karagdagang pleadings kaugnay ng kaso, kaya’t tuluyan nang isinara ang usapin sa Korte Suprema. Dahil sa ruling, tuluyang naharang ang impeachment trial ni Duterte sa Senado, na una nang inakusahang sangkot sa graft, corruption, at umano’y assassination plot laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nagpasalamat naman ang kampo ni Vice President Duterte sa Korte Suprema. Ayon kay Michael Poa, tagapagsalita ng legal team ng Bise Presidente, ang desisyon ay naglatag ng malinaw at awtoritatibong gabay sa mga limitasyon ng impeachment. Dagdag pa niya, tapos na ang isyu at panahon na upang ituon ng bansa ang pansin sa iba pang mahahalagang suliranin.

Samantala, iginiit ng ilang mambabatas na ang desisyon ng Korte Suprema ay hindi paglilinis ng pangalan ni Duterte. Ayon kay House Deputy Minority Leader at ML party-list Rep. Leila de Lima, nakabatay umano sa teknikalidad ang ruling at maaari pa ring magamit sa mga susunod na hakbang. Sinang-ayunan ito ng mga miyembro ng Makabayan bloc na nagsabing nananatiling balido ang mga paratang laban sa Bise Presidente.

Ayon sa Makabayan bloc, handa silang muling maghain ng impeachment complaint laban kay Duterte kapag natapos na ang one-year ban, na itinakda ng Korte Suprema na magtatapos sa Pebrero 6, 2026. Giit nila, ang mga isyu tulad ng umano’y misuse ng confidential funds at abuso sa kapangyarihan ay hindi dapat balewalain dahil lamang sa procedural na usapin.

Kinilala naman ng House of Representatives ang desisyon ng Korte Suprema. Ayon kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III, mahalaga ang pag-iingat sa proseso ng impeachment at ang paggalang sa Konstitusyon. Dagdag ng liderato ng Kamara, bilang isang co-equal branch ng gobyerno, iginagalang nila ang Korte Suprema bilang pinal na tagapagsuri ng mga usaping konstitusyonal.


Isinulat ni Hershey Taganas

Comments