Matapos ang isang linggong masusing pagsusuri, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang P6.793-trilyong pambansang badyet para sa taong piskal 2026, kasabay ng giit na ang tunay na sukatan nito ay nasa maayos na pagpapatupad at mahigpit na pananagutan ng pamahalaan.
Isinagawa ang ceremonial signing ng Republic Act No. 12314 o ang 2026 General Appropriations Act (GAA) sa Malacañang Palace, na dinaluhan ng mga opisyal ng ehekutibo at mambabatas. Ayon sa Pangulo, hindi nagtatapos sa pag-apruba ang tungkulin ng pamahalaan, bagkus ay nagsisimula pa lamang ang mas mabigat na responsibilidad—ang tiyaking bawat pisong ginagastos ay may malinaw na pakinabang sa mamamayan.
Binigyang-diin ni Marcos na nakahanay ang 2026 budget sa pangmatagalang plano ng administrasyon, partikular sa edukasyon, kalusugan, agrikultura, at serbisyong panlipunan. Gayunman, kasabay ng pagpirma ay ang pag-veto ng Pangulo sa halos ₱92.5 bilyong unprogrammed funds upang maiwasan ang maling paggamit ng pondo at pigilan ang discretionary spending.
“Hindi blank check ang unprogrammed appropriations,” mariing pahayag ni Marcos, sabay giit na ilalabas lamang ang naturang pondo kapag natugunan ang malinaw na kundisyon at sapat na beripikasyon.
Sa kabila nito, nagpahayag ng pagtutol si Deputy House Minority Leader Edgar Erice, na nagsabing handa niyang kwestiyunin sa Korte Suprema ang konstitusyonalidad ng unprogrammed funds sa 2026 GAA.
Kinilala rin ng Pangulo na pansamantalang nag-operate ang pamahalaan sa ilalim ng reenacted 2025 budget matapos matanggap lamang ng Malacañang ang ratipikadong panukalang badyet noong Disyembre 29, 2025. Ayon sa Malacañang, isasaalang-alang ng Department of Budget and Management ang mga nagastos sa panahong ito sa paglalabas ng pondo para sa 2026.
Nakakuha ng pinakamalaking bahagi ng badyet ang sektor ng edukasyon na mahigit P1.34 trilyon, habang tinawag namang pinakamalaki sa kasaysayan ang P448 bilyong pondo para sa kalusugan. Gayunman, nananatiling usapin sa ilang mambabatas ang kakulangan umano ng sapat na alokasyon para sa tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon.
Sa gitna ng mga alegasyon ng anomalya sa flood control projects, tiniyak ng administrasyon na paiigtingin ang pagsusuri sa paggastos ng mga ahensya upang matiyak ang wastong paggamit ng pondo ng bayan.

Comments
Post a Comment