Hindi lamang haba at dami ng deboto ang iniwan ng Traslacion ng Poong Hesus Nazareno ngayong taon, kundi mabibigat na tanong hinggil sa kaligtasan ng isang pananampalatayang sinusubok ng panahon. Matapos ang halos 31 oras na prusisyon, naitala itong pinakamahaba sa kasaysayan na inihayag ng pamunuan ng Quiapo Church na sasailalim sa masusing pagsusuri at malalaking pagbabago ang tradisyong dinadaluhan ng milyon-milyong Pilipino taun-taon.
Ayon sa Simbahan at pulisya, umabot sa 5.5 milyong deboto ang lumahok sa mismong Traslacion, habang halos 9.6 milyon naman ang kabuuang dumalo kung isasama ang nobena at dalawang araw na Pahalik. Subalit kasabay ng dambuhalang bilang na ito ang madilim na tala: apat na nasawi at humigit-kumulang 1,700 ang kinailangang gamutin dahil sa pagkahapo at pinsala na muling nagpapaalala sa panganib na kaakibat ng pananampalatayang isinasabuhay sa lansangan.
Sa isang pulong-balitaan, kinilala ng mga opisyal ng Quiapo Church na ang pagsisiksikan ng mga debotong nauuna at humaharang sa andas ang isa sa pangunahing dahilan ng matinding pagkaantala ng prusisyon dahil dito, isinasaalang-alang na ang pagbabago sa disenyo ng andas, haba at daloy ng ruta, at mas mahigpit na pamamahala ng tao sa susunod na Traslacion. Layunin umano ng mga hakbang na ito na mapanatili ang diwa ng panata nang hindi isinasakripisyo ang buhay at kaligtasan ng mga deboto.
Ngunit hindi naging madali ang pagpapatupad ng mga desisyon sa gitna ng emosyon at debosyon. Sa kalagitnaan ng prusisyon, tinangka ng Simbahan na paikliin ang ritwal at ipasok muna ang imahe sa San Sebastian Basilica, subalit sinalubong ito ng pagtutol ng ilang deboto at ng Hijos del Nazareno. Sa huli, napilitang ipagpatuloy ang Traslacion sa kabila ng mga sirang gulong ng andas, naputol na lubid, at patuloy na pagdagsa ng tao.
Para sa ilang matatagal nang deboto, malinaw ang pagbabago ng mukha ng Traslacion. Ayon kay Honee Sison, 75, noong mga nakaraang dekada ay mas payapa at maiksi ang prusisyon na malayo sa kasalukuyang anyo nitong tila walang katapusan at puno ng panganib. Sa paglipas ng panahon, lumaki ang debosyon kasabay ng masinsing media coverage at impluwensiya ng mga personalidad, dahilan upang maging pandaigdigang eksena ang isang dating lokal na ritwal.
Habang patuloy na naglalakad ang andas patungong Quiapo matapos ang higit isang araw na prusisyon, malinaw ang hamon sa Simbahan at pamahalaan: paano babalansehin ang taimtim na pananampalataya at ang hindi matatawarang halaga ng buhay ng tao. Sa susunod na Traslacion, inaasahang hindi lamang lakas ng panata ang masusubok, kundi ang kakayahan ng mga tagapangalaga nito na baguhin ang tradisyon nang hindi nawawala ang kaluluwa ng debosyon.
Isinulat ni Hershey Duque Taganas

Comments
Post a Comment